Pananakop ng China sa Sandy Cay, pinabulaanan ng Philippine Navy

Mariing itinanggi ng Philippine Navy ang akusasyon ng China na nasakop na nila ang Sandy Cay (na tinatawag nilang Tiexian Reef) sa South China Sea.

Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, PN Spokesperson for the West Philippine Sea, gawa-gawa lamang ang naturang pahayag para ilihis ang atensyon ng publiko sa mga isyung kinakaharap ngayon ng China kabilang ang umano’y mga espiya at ang sinasabing troll farm na kinuha ng Chinese Embassy in Manila noong 2023.

Sinabi pa ni Trinidad na hindi malinaw kung kailan kuha ang mga litratong ipinapakalat ng China.

Ang pahayag ni Trinidad ay makaraang sabihin ng China na nasakop na nila ang Sandy Cay na bahagi ng Spratly Islands.

Gayunpaman, nilinaw ni Trinidad na bagama’t may nakita silang apat na barko ng Chinese Coast Guard at 19 maritime militia sa paligid ng Sandy Cay, normal lamang ang presensya ng mga ito dahil sa lapit ng lugar sa Pag-Asa Island.

Kasunod nito, tiniyak ni Trinidad sa publiko na tuloy-tuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa Sandy Cay.

Facebook Comments