PANOORIN: Motoristang tinakbuhan ang nasagasaan, hinabol ng taxi driver

972
Courtesy Garry Torrequemada

ANTIPOLO CITY – Nakunan ng dashcam ang mala-teleseryeng paghabol ng isang taxi driver sa motoristang nakabangga ng pedicab driver noong Lunes ng gabi.

Ibinahagi ng tsuper na si Garry Torrequemada ang video ng pagtugis niya sa nagmamaneho ng pulang sasakyan na tinakasan raw ang sinagasaang biktima.


Huminto sa gilid ng kalsada at bumaba sa kotse ang suspek matapos maabutan ni Torrequemada.

Sa footage, makikitang tuliro at todo-iyak ang SUV driver at ipinapaliwanag ang ginawang pag-eskapo.

Nakipag-ugnayan sa pulisya ang taxi driver para agad madakip ang salarin.

Kuwento ni Torrequemada, nasaksihan niya ang kalunos-lunos na insidente habang nag-aabang ng pasahero.

Bagaman kabado, pinilit ng concerned citizen na mahabol ang motorista dahil naawa siya sa biktima.

Kalaunan, nadiskubre ni Torrequemada na kaibigan niya ang lalaking nabundol na kinilalang si Arnold Bunales.

Naisugod pa raw ang pedicab driver sa pagamutan pero binawian din ng buhay.

Batay sa imbestigasyon, tumatawid sa kalye si Bunales nang masalpok ng motorista.

Nakipag-areglo ang pamilya ng biktima sa suspek dahilan para makalabas ito ng bilangguan.

Bagaman nagkasundo na ang dalawang panig, puwede pa din makansela ang lisensya ng suspek, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Facebook Comments