Panukalang magpaparusa sa mga magulang o ama na ayaw magsustento sa anak, lusot na sa komite ng Kamara

Lusot na sa House Committee on Children Welfare ang House Bill 8987 o panukalang magpaparusa sa mga magulang o tatay na ayaw sustentuhan ang kanilang mga anak.

Ayon sa pangunahing may-akda ng panukala na si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, dapat makulong ng hanggang anim na taon ang mga “deadbeat” father na ayaw panagutan ang kanilang mga anak.

Binanggit ni Tulfo na ang ibibigay na suporta ng tatay sa kanilang anak ay depende sa pangangailangan ng bata.


Inaatasan ng panukala ang Dept of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa National Economic and Development Authority (NEDA) sa pagtatakda kung magkano ang dapat makuhang suporta ng mga anak.

Umaapela naman si Tulfo sa mga kasamahang mambabatas na tuluyan nang ipasa ang panukala sa lalong madaling panahon upang mapanagot na ang mga walang pusong magulang o ama na tinalikuran ang kanilang sariling mga anak.

Facebook Comments