
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Migrant Workers Undersecretary Patricia Yvonne Caunan bilang bagong administrador ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kapalit ni Arnell Ignacio.
Nanumpa sa tungkulin si Caunan kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ngayong araw.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, nagsilbi si Caunan bilang Undersecretary for Policy and International Cooperation ng DMW mula Agosto 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Sa kanyang panunungkulan bilang undersecretary, nakatulong si Caunan sa negosasyon at pagpirma ng 15 bilateral labor migration agreements simula noong 2022.
Layon ng bawat kasunduan na paigtingin ang proteksyon at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga bansang Canada, Austria, Saudi Arabia, Qatar, Finland, Denmark, Singapore, Croatia, Slovenia, at Kuwait.
Bago pumasok sa gobyerno, pinangunahan din ni Caunan ang isang kilalang law firm na may espesyalisasyon sa labor, civil, administrative, at criminal law.
Isa rin siyang aktibong tagapagtanggol ng karapatan ng mga migranteng manggagawa, na nagbibigay ng libreng tulong at payong legal.