PIGO, pinag-aaralan pa ng Malacañang kung dapat na ring ipagbawal

Bukas ang Malacañang na pag-aralan kung dapat na ring ipagbawal ang Philippine Inland Gaming Operators (PIGOs) sa bansa

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, aaralin nila ang cost benefit ng PIGO sa bansa dahil sa ngayon, kung ikukumpara sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay hindi nagiging dahilan ng krimen ang PIGO.

Isa aniya sa mga dahilan ng pag-ban ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa POGO ay ang talamak na mga krimen mula dito.

Dagdag pa ni Castro, karamihan rin sa mga nagta-trabaho sa PIGO ay mga Pilipino, hindi kagaya sa POGO na mayorya ay mga dayuhan.

May pakinabang din aniya ang gobyerno sa marketing ng PIGO at binabayarang buwis.

Gayunpaman, mas mabuti kung mabibigyan ang Palasyo ng datos o statistics na maaaring maisama sa pag-aaral kung kinakailangang ipagbawal rin ang PIGO sa bansa.

Naniniwala si Castro na hindi mag-aatubili ang pangulo na mag-utos ng total ban kung makikitang nakasasama na rin ang PIGO sa pamumuhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments