Ngayong 16 na araw na lamang ang Pasko, ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na mas paigtingin pa ng pulisya ang kanilang security operations upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang alinmang criminal activities ng mga kawatan.
Ayon kay Marbil, pangunahing mandato ng pulisya ang pagpapanatili ng peace and order habang abala ang karamihan sa pagsasagawa ng kaliwa’t kanang Christmas party at last minute shopping.
Aniya, nagbaba siya ng direktiba sa lahat ng police units sa buong bansa na paigtingin ang police visibility sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya at pagde-deploy ng karagdagang mga tauhan sa mga matataong lugar tulad ng malls, pamilihan, at transport hubs.
Layon aniya nito na agarang makaresponde ang mga pulis kung may emergency.
Una nang ipinakalat ng PNP ang mahigit 14,000 mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasabay ng “Ligtas Paskuhan 2024.”