
Dipensahan ng Malacañang ang planong pagbili ng pamahalaan ng 20 F-16 fighter jets sa Amerika.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, hindi dapat maging problema o isyu ang pagbili ng defense assets ng gobyerno lalo na kung ito ay para sa “defensive posture” o pagpapatatag ng depensa ng bansa.
Wala rin aniyang nakikitang mali dito ang Palasyo lalo’t nahaharap sa mga banta sa usaping teritoryo ang bansa.
Matatandaang inanunsyo ng US State Department na inaprubahan nila ang pagbenta ng $5.58-billion na halaga ng F-16 fighter jets at iba pang kagamitan sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya sa People’s Republic of China (PRC) na ang nakaplanong pagbili ng F-16 fighter jet ng Pilipinas sa Amerika ay hindi makakasama sa interes ng sinumang third party.
Karapatan aniya ng Pilipinas na gawing moderno ang mga defense capabilities ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at hindi aniya ito inilaan para sa anumang bansa.