Sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang tindera ng manok, sinabi nilang naapektuhan ang suplay dahil sa matinding init ng panahon at limitadong pag-aalaga ng mga supplier, dahilan upang bumaba ang produksyon at tumaas ang presyo ng bentahan.
Dagdag pa rito, napipilitan din umano ang ilang nag-aangkat na magtaas ng presyo upang mabawi ang puhunan at matugunan ang patong-patong na gastos sa distribusyon.
Sa kasalukuyan, umaabot sa ₱200 kada kilo ang bentang retail ng manok, habang nasa ₱175 kada kilo naman ang wholesale price.
Ayon sa mga nagtitinda, bumaba rin ang kanilang benta dahil sa matumal na bentahan at pabago-bagong panahon na nakakaapekto sa daloy ng kita.
Samantala, tumaas din ng ₱20 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy.
Ayon sa ilang tindera, nag-ugat ito sa pagtaas ng kuha mula sa slaughterhouse at mabagal na bentahan, kaya’t napipilitan din silang ipasa ang dagdag na gastos sa mga mamimili.
Sa kasalukuyan, nasa ₱210 kada kilo ang presyo ng regular na karne, habang ang lean meat ay umaabot sa ₱240 kada kilo.
Patuloy namang umaapela ang ilang mamimili para sa mas matatag at abot-kayang presyo ng mga pangunahing bilihin sa palengke. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










