PUBLIKO, MULING BINALAAN SA BANTA NG DENGUE MATAPOS ANG PAGBAHA; FOGGING SA ILANG PAARALAN, ISINASAGAWA

Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat laban sa dengue kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha na naranasan sa ilang bahagi ng Pangasinan.

Ayon sa Provincial Health Office–Pangasinan, mahalagang agad na linisin at alisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, partikular ang mga lalagyan at iba pang bagay na naiipunan ng tubig.

Pinapayuhan din ang publiko na gumamit ng mosquito repellent at magsuot ng damit na makatutulong upang maiwasan ang kagat ng lamok, lalo na sa mga lugar na maraming lamok.

Samantala, nagsagawa na ng fogging operations sa ilang paaralan sa Manaoag at Umingan bilang bahagi ng preventive measures laban sa pagdami ng lamok.

Nakipag-ugnayan naman ang mga paaralan sa mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng operasyon.

Gayunman, binibigyang-diin na ang fogging ay isinasagawa lamang sa mga sitwasyong inirerekomenda ng health authorities at hindi kapalit ng regular na paglilinis at pagsira sa mga breeding site ng lamok.

Inaasahang magpapatuloy ang mga hakbang kontra-dengue sa iba pang paaralan at komunidad bilang paghahanda sa pagbabalik ng mga mag-aaral matapos ang nagdaang masamang panahon.

Payo ng mga awtoridad, huwag hayaang maipon at manatili ang tubig sa paligid ng bahay at paaralan dahil maaaring maging breeding ground ito ng mga lamok na nagdadala ng dengue. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments