Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, katuwang ang iba’t ibang kinauukulang ahensya, ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA sa mga komunidad na naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat.
Kasunod ito ng deklarasyon ng State of Calamity sa Pangasinan upang agad na matukoy ang lawak ng pinsalang iniwan ng kalamidad, gayundin ang pangunahing pangangailangan ng mga apektadong residente at pamilya.
Kabilang sa sinusuri ng mga assessment team ang naging epekto ng masamang panahon sa mga kabahayan at residente, imprastraktura, kabuhayan, agrikultura, kalusugan at iba pang mahahalagang sektor.
Mahalaga ang mga datos na makakalap sa RDANA dahil magsisilbi itong batayan ng pamahalaan sa pagtukoy kung anong uri at gaano karaming tulong ang kinakailangan sa bawat apektadong komunidad.
Patuloy din ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan at ahensya upang mabantayan ang sitwasyon at mapabilis ang paghahatid ng relief assistance at iba pang kinakailangang suporta sa mga pamilyang naapektuhan.
Sa pamamagitan ng assessment, inaasahang makabubuo ng mas angkop at mas organisadong plano para sa relief, rehabilitation at recovery efforts ng lalawigan batay sa aktuwal na pinsala at pangangailangan ng bawat komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







