Reclamation sa Manila Bay, dapat ng itigil dahil makakaapekto sa kalikasan ayon sa pag-aaral ng DENR

Pinatitigil na ng pamunuan ng Department of Environment and Natural Resources o DENR sa pamahalaan ang reclamation project sa Manila Bay dahil makakaapekto ito sa kalikasan.

Ayon kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang naturang pahayag ay matapos na lumabas sa isang pag-aaral ng University of the Philippines Marine Research Institute at Marine Environment and Resources Foundation ang masamang epekto nito sa kalikasan.

Paliwanag pa ni Yulo-Loyzaga, natuklasan sa isinagawang cumulative impact assessment na makakaapekto anila ito sa daloy ng tubig kung saan magdudulot ito ng mas matinding pagbaha sa Metro Manila, at makakaapekto umano ito sa kabuhayan ng mga mangingisda.

Ipinagawa naman ng DENR ang pag-aaral matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2023 ang pagsuspinde ng lahat ng reclamation projects maliban sa isang proyekto upang suriin ang kanilang epekto sa kapaligiran.

Dagdag pa ni Yulo-Loyzaga, kailangan pa muna aniyang ilatag ng mga developer ang kanilang mga plano hinggil sa pagkukunan nila ng tubig at kuryente at maging ang kanilang solid waste management plan.

Facebook Comments