
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang recruitment agency dahil sa iligal na pagre-recruit ng mga Filipino factory worker sa Bulgaria.
Iniutos ni Department Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagsasara ng Yatra Travel & Tours, isang agency na matatagpuan sa San Fernando, Pampanga kung saan ay nag-aalok ito ng mga oportunidad sa trabaho sa Bulgaria para sa mga posisyon bilang mga manggagawa sa pabrika na may tinatayang suweldo mula P90,000 hanggang P110,000 kada buwan.
Naniningil umano ang nasabing ahensiya ng labis na bayad sa pagproseso sa pagitan ng ₱400,000 at ₱500,000 at ang mga aplikante ay kinakailangang magbayad ng ₱50,000 bilang paunang bayad para sa isang slot o reserbasyon, kasama ang natitirang balanse pagkatapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento, bago sila i-deploy patungong ibang bansa.
Base sa mga nakalap na impormasyon ang nasabing agency, gumagawa ng iligal na pangangalap at maling representasyon at nakikibahagi sa mga hindi awtorisadong aktibidad na walang lisensya at pahintulot mula sa DMW.
Ang pagsasara ay isinagawa ng Migrant Workers Protection Bureau-DMW, sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng pulisya at lokal na pamahalaan sa Bataan.
Kasunod ng pagsasara, inirekomenda ng DMW ang pagkansela ng business permit ng kompanya sa San Fernando, Pampanga at ang DMW ay naghahanda rin ng mga ligal na aksyon laban sa mga opisyal ng kompanya.