Isinara ng mga awtoridad ang pangunahing kalsada patungong Barangay Malico sa San Nicolas, Pangasinan matapos itong maapektuhan ng pagguho ng lupa dulot ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), hindi na ligtas na madaanan ang naturang kalsada kaya agad na ipinatupad ang road closure sa lahat ng uri ng sasakyan bilang pag-iingat sa mga motorista at residente.
Patuloy na sinusuri ng mga kinauukulang ahensya ang lawak ng pinsala at ang posibilidad ng panibagong pagguho ng lupa, lalo na kung magpapatuloy ang masamang panahon.
Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang publiko na huwag munang bumiyahe patungo sa Barangay Malico at sumunod sa mga ipinatutupad na traffic advisory at road closure ng mga awtoridad.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa mga concerned agencies para sa clearing operations at agarang rehabilitasyon ng kalsada upang maibalik ang ligtas na pagbiyahe sa lugar sa lalong madaling panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







