Umabot sa mahigit 14,000 residente at turista ang dumagsa sa iba’t ibang pasyalan sa bayan ng San Nicolas kahit pa nakaranas ng buong araw na power interruption nitong Linggo.
Sa halip na maapektuhan ng kawalan ng kuryente, sinamantala ng mga tao ang araw upang maglibang sa kalikasan, mula sa mga ilog, eco-park, hanggang sa mga bulubunduking destinasyon.
Pinakamalaking bilang ng bisita ang naitala sa Puyao River Picnic Grounds na umabot sa 6,905. Kabilang dito ang 4,002 residente ng San Nicolas at 2,903 bisita mula sa karatig-bayan.
Sumunod naman ang kilalang malamig na destinasyon na Malico na dinayo ng 5,676 turista. Kapansin-pansin na mas marami ang nanggaling sa labas ng bayan na umabot sa 3,487, kumpara sa 2,189 lokal na residente.
Hindi rin nagpahuli ang Agpay Eco Park na tumanggap ng 1,375 bisita, kung saan 838 ay mga San Nicolanians at 537 ay mula sa ibang lugar. Patuloy itong dinarayo ng mga pamilya at nature lovers dahil sa mga eco-friendly na pasilidad at picnic areas.
Samantala, mas tahimik ngunit kaaya-aya namang dinayo ng 246 na bisita ang Sabangan River, na binubuo ng 212 lokal at 34 na dayo, na naghahanap ng payapang kapaligiran.
Sa kabuuan, umabot sa 14,202 ang kabuuang bilang ng mga bumisita sa San Nicolas sa loob lamang ng isang araw, kabilang ang 7,241 residente ng bayan.
Dahil dito, inaasahang mas lalo pang dadami ang bibisita sa bayan na unti-unti nang kinikilala bilang pangunahing destinasyon para sa nature adventure sa Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










