
Wala pa ring reaksyon hanggang sa mga oras na ito si Senator Ronald “Bato” dela Rosa patungkol sa pagkaka-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinungo ng mga miyembro ng Senate media ang main office ng senador at naka-lock ito at walang tao.
Gayunman, ang extension office naman nito sa kabilang bahagi ng Senate building ay may mga staff at tuloy-tuloy sila sa legislative works kahit naka-session break at panahon ng kampanya.
Paliwanag naman ng ilang mga staff, wala talagang tao ngayon sa main office ng senador dahil inatasan sila para sa kampanya.
Gayunman, walang ideya ang mga tauhan sa kinaroroonan ngayon ni Dela Rosa.
Mula pa kahapon ay sinusubukan ng Senate media na hingan ng reaksyon ang senador sa pamamagitan ng text, tawag at Viber tungkol sa pag-aresto ng ICC kay dating Pangulong Rodrigo subalit hanggang sa mga oras na ito ay wala pa ring tugon dito ang mambabatas.