
Target na mag-convene ang Senado bilang impeachment court sa Miyerkules, Mayo 13.
Ngayong araw ay inaasahang magbobotohan ang Kamara sa mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at bukas naman ay isusumite na ito sa mataas na kapulungan.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, kapag naiakyat na sa Senado bukas, agad silang magko-convene sa Miyerkules batay na rin sa gustong mangyari ni Senate President Tito Sotto III.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na nagkaroon ng ruling ang Supreme Court na discretion ng Senado kung ano ang depinisyon o pakahulugan sa salitang “forthwith”.
Ibig sabihin aniya, nasa pagpapasya na ng Senado kung gusto ng mayorya ay kaagad-agad mag-convene o kung may makatwirang grounds o dahilan para hindi mag-convene.
Matatandaang naunang sinabi ni Senator Robinhood Padilla na haharangin niya ang pagco-convene ng Senado bilang impeachment court kapag isinumite na ang mga articles of impeachment laban kay VP Duterte.










