
Wala pa ring tugon ang Senado sa request ng Kamara na magkaroon ng kwarto na magagamit ang House prosecutors at House Secretariat Support Group para sa isasagawang paglilitis ng impeachment court kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, inaantabayanan pa nila ang magiging aksyon ng Mataas na Kapulungan sa kanilang request na magkaroon ng silid sa Senado.
Ang nabanggit na request ay nakasaad sa liham ni House Secretary General Reginald Velasco na natanggap ng opisina ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong March 6.
Nakapaloob sa liham ang hiling na sana bukas, March 11 ay makapasagawa na ng ocular inspection ang Kamara sa kwarto na kanilang gagamitin pero sabi nga ni Rep. Chua, wala pang abiso kung matutuloy ito bukas.