SOFT OPENING NG BAGONG PUBLIC MARKET NG MANAOAG, ITINAKDA NA SA AGOSTO 6

Organisado at maayos na pamilihan ang inaasahang bubuksan ngayong linggo sa bagong Public Market ng Manaoag.
Nasa 96 porsiyento na ang konstruksyon ng bagong pamilihang bayan. Sa panayam ng IFM Dagupan, sinabi ni Mayor Jeremy Agerico Rosario na target ng pamahalaang bayan ang soft opening sa Huwebes, Agosto 6.
May ilang manlalako naman ang nasiyahan sa nalalapit na pagbubukas ng pasilidad.
Dadaan umano sa draw lots ang pagpili ng mga puwesto ng mga vendor para maging patas ang alokasyon ng mga stall.
Inuuna pa sa ngayon ang paglilipat ng mahigit 300 displaced vendors mula sa mga seksyon ng karne, isda, gulay, prutas at dry goods.
Dagdag ng alkalde, inaasahang makatutulong ang bagong pamilihan sa pagpapalakas ng kalakalan sa Manaoag.
Kabilang sa mga bagong pasilidad ang sariling submeter ng tubig sa bawat stall, CCTV cameras, paging system, LED wall, timbangan ng bayan, at 24-oras na police visibility.
Bukod sa mga regular na stall, may inilaan ding espasyo para sa mga ambulant vendors at mga miyembro ng TODA.
Pinalawak din ang harap ng palengke sa pamamagitan ng 8-meter loading at drive-through area para magkaroon ng espasyo ang pagkakarga at pagbaba ng mga paninda.
Ang bagong public market ay pinondohan sa pamamagitan ng ₱240-milyong loan agreement sa Land Bank, at inaasahang ganap nang mag-ooperate sa Setyembre. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments