
Natagpuang wala nang buhay ang tatlong lalaki matapos ang isang madugong engkuwentro sa Purok 7, San Julian, Tabuk City, Kalinga, bandang alas-6:30 kaninang umaga Abril 24, 2025.
Kinilala ang mga biktima na sina Santos Calsiyao, Tokar Calsiyao, at Leo Palat Calsiyao, pawang residente ng Basao, Dilag, Tabuk City.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagkaroon umano ng sagupaan sa pagitan ng mga biktima at hindi pa nakikilalang mga suspek malapit sa tahanan ni Brgy. Kagawad Cleve Dumaguing ng Biga Tribe.
Sa gitna ng palitan ng putok, umatras ang grupo ng mga biktima patungong hilaga ngunit sila’y inabutan at pinagbabaril.
Narekober sa crime scene ang dalawang M16 rifle at isang shotgun.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang patuloy rin ang pagtugis sa mga responsable sa krimen.