Tindera, Arestado Matapos Nakawin ang Wallet ng Isang Negosyante sa Cauayan City!

Cauayan City- Bagsak kulungan ang isang tindera matapos nitong nakawin ang wallet ng isang babaeng negosyante sa loob ng isang Establishimento sa Brgy. San Fermin Cuayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Arlene Nisperos, 37 anyos, isang negosyante at residente sa naturang barangay habang ang suspek naman ay kinilalang si Alma Cagayan, 53 anyos, tindera, at residente naman ng Brgy. Calmagui 1st, Ilagan City Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng PNP Cauayan, nagtungo umano sa isang establishimento ang biktima kasama ang kanyang pamangkin na si Joy Ballasteros upang mamili ng groceries at ng matapos mamili ay inutusan na lamang umano ng biktima ang kanyang pamangkin na kunin ang kanilang iniwang gamit sa baggage counter at maghihintay na lamang ito dahil madaming tao.


Habang hinihintay ni Nisperos ang kanyang pamangkin ay nagtungo umano ang suspek sa kanyang likuran at doon ay binuksan nito ang bag ng biktima at tinangay ang wallet na maylamang mahigit kumulang sampung libong piso.

Samantala, agad din namang napansin ng pamangkin ni Nisperos ang pagnanakaw na ginawa ni Cagayan kaya’t agad na humingi ng tulong sa mga pulis na agad namang nagresulta sa pagkakadakip nito.

Nakuha mula sa suspek ang isang wallet na naglalaman ng limang daang piso habang ang kanyang ninakaw ay nawawala na kaya’t agad naman itong dinala sa himpilan ng PNP Cauayan para sa karagdagang imbestigasyon at nakahanda na rin ang dokumento nito para isailalim sa inquest procedings.

Facebook Comments