
Cauayan City – Himas-rehas ang isang tricycle driver na tulak ng ilegal na droga matapos madakip sa ikinasang Anti-Illegal Drug Buy-bust Operation sa Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Ang suspek ay kinilalang si alyas “Bugoy”, kwarentay singko-anyos, tricycle driver, residente ng Brgy. Del Pilar, Alicia, Isabela, at kabilang sa listahan ng High Value Target ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa ikinasang operasyon, nabili ng PDEA Agent na nagpanggap na buyer ang isang piraso ng plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Maliban dito, nakuha rin kay Bugoy ang P1000 buy-bust money, cash, ID, at motorsiklo.
Matapos ang pagmamarka at pag-iimbentaryo, kaagad namang dinala sa himpilan ng Cauayan City Police Station ang mga ebidensya maging ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.