TUCP, nanawagan na rin ng reporma sa justice system at hustisya sa pag-kidnap at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver

Dumagdag na rin ang boses ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa mga grupo ng malalaking negosyante na nanawagan ng reporma sa justice system at sa pagkamit ng hustisya sa pag-kidnap at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa kanyang driver.

Una nang tinawag ng tatlong pinakamalaking business groups, gaya ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at Philippine Exporters Confederation (PhilExport) na pinakanakakatakot na paglabag sa sangkatauhan ang naturang krimen.

Sa isang pahayag, sinabi ng TUCP na ang pangyayari ay hindi lang isang direktang pag-atake sa hanay ng paggawa sa bansa, kundi isang paalala na wala nang ligtas sa ngayon, mayaman ka man o mahirap.

Naniniwala ang TUCP na ang mabilis na pagresolba sa kaso at pagpapanagot sa mga nasa likod nito ang makapagpapanumbalik sa rule of law at sa peace and order sa bansa.

Dapat umanong itigil na ang mga walang lamang mga pangako at magpatupad ng kongkretong aksyon upang tuldukan ang ugat ng nangyayaring mga pagpatay.

Dagdag ng grupo, mahihirapan ang Pilipinas na maiposisyon ito bilang maging global investment hub o pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Asia-Pacific-kung ang bawat mamumuhunan ay hindi makararamdam na maaaring mapalago ang kanilang negosyo nang walang pangamba sa kanilang buhay at sa kanilang pamilya.

Facebook Comments