
Pinabulaanan at tinawag na fake news ng mga kongresista ang ipinakakalat na impormasyon na tumanggap umano ng ayuda ang mga mambabatas na pumirma at nag-endorso sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Inaasahan na ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang ganitong klase ng mga disinformation na bahagi ng diversionary tactics para sirain ang integridad at merito ng impeachment.
Mariin ding itinanggi ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Atty. Lordan Suan na sinabi niyang may ayuda para sa mga kongresista na nagpa-impeach kay VP Sara.
Diin ni Suan, peke ang Facebook page na “The Working Congressman” na nag-post ng quote card na mayroong litrato niya at statement ukol sa pagpapa-impeach sa bise-presidente.
Ayon kay Suan, ito ay fake news, pawang kasinungalingan at black propaganda na layuning lituhin ang publiko at siraan siya gayundin si Speaker Martin Romualdez, at ang buong House of Representatives.