
Pinasinungalingan ng Malacañang ang kumakalat na kautusan mula sa Office of the President na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin kung saan ipinag-uutos ang pagpapatalsik kay House Speaker Martin Romualdez sa pwesto.
Nakasaad sa memorandum, na dahil umano sa bumababang rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kailangan na palakasin pa ang press release ng administrasyon at ang ayuda ng gobyerno para sa mga Pilipino.
Nakasisira rin aniya sa imahe ng pangulo si Romualdez kaya kailangan palitan na ito bilang House Speaker.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, hindi na dapat pagkaabalahan ang nasabing ulat dahil malinaw na nais lamang nitong sirain ang pamahalaan at ilang mga opsiyal.
Apela ni Castro sa publiko, huwag basta maniwala sa mga nakikitang mga dokumento lalo na sa social media dahil uso ngayon ang mga pekeng dokumento.
Mariin ding pinabulaanan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang kautusan at iginiit na ang dokumentong ito ay isang malisyoso na target pag-awayin ang mga opisyal ng administrasyon.