Mula sa dating household-based, magiging family-based na ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Region 1 kasunod ng isinasagawang validation ng mga City at Municipal Link sa mga benepisyaryo.
Ayon sa Public Attorney’s Office (PAO), Integrated Bar of the Philippines (IBP), at Abarcar Law Office, simula ngayong unang kwarter ng taon, hindi na buong household ang magiging batayan ng pagiging benepisyaryo kundi ang bawat pamilya na mismo.
Sa ilalim ng bagong sistema, ang mga magulang o biological parents ang pangunahing responsable sa mga batang mino-monitor ng 4Ps. Gayunman, kung ang nag-aalaga ay mula sa extended family tulad ng lolo, lola, o ibang kamag-anak, kinakailangan nilang kumuha ng legal na dokumento gaya ng Affidavit of Guardianship upang mapatunayan na sila ang awtorisadong tagapag-alaga ng bata.
Layunin ng inisyatibang ito na mapabuti ang pagbibigay ng angkop at responsive na interbensyon sa bawat benepisyaryo sa pamamagitan ng pagpapalakas ng family-centered case management.
Tinitiyak din nito na ang mga batang kabilang sa 4Ps ay nasa maayos na kalagayan at inaalagaan ng lehitimong legal guardian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










