Sa halip na paghandaan agad ang mga aktibidad para sa National Teachers Month, mas nakatuon ngayon ang mga guro ng Dagupan City National High School o DCNHS sa pagbawi sa mga aralin na naantala dahil sa mga nakaraang suspensyon ng klase.
Ayon kay Teacher III Noel Paul De Guzman, naging malaking bahagi ng kanilang kasalukuyang gawain ang pagtugon sa learning gap ng mga estudyante matapos ang sunod-sunod na suspensyon.
Kabilang naman sa nakalatag na aktibidad ng paaralan para sa National Teachers Month ang kanilang school celebration na isasabay sa Gawad Severino Award sa Oktubre 9, 2026.
Nauna nang nakilahok ang DCNHS sa division’s launching ng selebrasyon, habang nakatakda naman ang division culminating activity sa Oktubre 6, 2026.
Ayon kay Principal IV Dr. Willy Guieb, nakahanda na ang mga plano para sa selebrasyon.
Gayunman, para kay Teacher VI Nieva Sarmiento, nananatiling prayoridad ang academic performance at pagkatuto ng mga estudyante kaya pansamantalang isinasantabi ang ilang plano para sa selebrasyon.
Sa kabila nito, nagpapasalamat ang mga guro sa patuloy na pagkilala sa kanilang tungkulin at sa suportang ipinagkakaloob sa kanila.
Para sa mga guro, higit sa mga selebrasyon, ang kanilang pinakamahalagang ambag ay ang patuloy na pagtuturo at pagtulong sa mga estudyanteng makahabol sa kanilang mga aralin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







