‎Patuloy ang paglilinis sa Ilog San Juan sa Barangay San Juan, San Carlos City bilang hakbang upang mapanatiling maayos ang daluyan ng tubig at mabawasan ang epekto ng pagbaha tuwing may bagyo o tuloy-tuloy na pag-ulan.
‎

‎Inalis sa ilog ang mga kumpol ng water lily, dahon ng kangkong at iba’t ibang basura na maaaring magdulot ng pagbabara at pagbagal ng agos ng tubig.
‎

‎Ayon kay Barangay Captain Frank Vedaña, sinimulan pa noong 2024 ang regular na paglilinis sa ilog at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan upang matiyak ang maayos na daluyan ng tubig, lalo na kapag nakararanas ng malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.

‎
‎Noon, isa sa mga pangunahing problema ng barangay ang matagal na pananatili ng baha sa mga mabababang lugar dahil sa mga nagkumpulang halaman at basura sa ilog.
‎

‎Ngunit matapos ang patuloy na paglilinis, sinabi ni Vedaña na naging mas maayos ang daloy ng tubig at nabawasan ang tagal ng pananatili ng baha, partikular sa mga lugar na malapit sa ilog.
‎

‎
‎Hindi lamang ang barangay council ang nagsasagawa ng paglilinis. Katuwang din nito ang mga kalapit na barangay at iba’t ibang organisasyon upang mapanatili ang regular na paglilinis at pangangalaga sa ilog.
‎

‎
‎Samantala, patuloy ang panawagan ng mga kinauukulan sa mga residente na makiisa sa paglilinis at pangangalaga sa ilog at kapaligiran.
‎

‎Layunin nitong mapanatiling malinis at maluwag ang daluyan ng tubig at makatulong sa pagbawas ng perwisyo ng baha sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments